(c) thefilipinoaustralian.com |
MANILA, Philippines – Buo ang paniniwala ng pamunuan ng tennis sa bansa na makakapaghatid sila ng gintong medalya sa gaganaping Singapore SEA Games.
Hindi lamang isa kundi tatlo hanggang apat ang puwedeng bitbitin ng National tennis players dahil ang bubuo sa koponan ay mga subok na sa kompetisyon.
Ang mga Fil-Americans na sina Ruben Gonzales at Treat Conrad Huey ay sasamahan nina Jeson Patrombon at Francis Casey Alcantara habang ang Fil-German na si Katharina Lehnert ay makikipagtulungan kina Denise Dy, Clarice Patrimonio at Khim Iglupas.
“We have a strong team capable of winning the gold medals in singles, doubles and mixed doubles,” wika ni Philta secretary-general Romeo Magat.
Si Chris Cuarto ang coach sa kalalakihan habang si Czarina Mae Arevalo ang hahawak sa kababaihan.
Lahat ng mga manlalarong nabanggit ay batak sa laro at si Huey ay sumali sa French Open doubles ngunit ang kanilang tambalan nina Scott Lipski ng US ay hindi nagbunga dahil natalo agad sila sa mahigpitang 6-4, 1-6, 4-6, kontra kina Marin Dragania ng Croati at Herni Kontinen ng Finland.
Hindi man umabante ay malaki ang naitulong ng exposure na ito kay Huey na inaasahang makakatambal si Alcantara sa doubles.
Source: ATan of Pilipino Star Ngayon