Tuluyan nang isinara ng Federation International de Volleyball (FIVB) ang kaguluhan sa liderato ng volleyball sa bansa matapos na opisyal na kilalanin ang Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) bilang opisyal na miyembro ng internasyonal organisasyon.
Ipinadala ni FIVB Vice-president Jizhong Wei ang isang confirmation email noong Mayo 13, 2015 sa ganap na alas-4:15 ng hapon na naglalaman ng pormal na pagkilala sa LVPI bilang opisyal na miyembro at kapamilya ng FIVB at Asian Volleyball Confederation (AVC).
“I have the pleasure to inform you that the amount has been duly received by FIVB,” ayon sa email message ni Wei. “According to FIVB Board decision, your federation has now full FIVB membership. I thank you for your effort to bring back Philippines to FIVB and AVC family.”
Naka-certified copy din ang sulat kay FIVB president Dr. Ary Graca, Dr. Saleh Bin Nasser at AVC secretary general Shanrit Wongpraesert na nagsasabing iginawad na ang pagkilala sa LVPI.
Papalitan ng LVPI ang dating Philippine Volleyball Federation (PVF).
Source: Angie Oredo of Balita.net.ph