Monday, May 18, 2015

Filipino paddlers, puspusan ang paghahanda

Puspusan ang ginagawang paghahanda ng Philippine Canoe Kayak at Dragon Boat paddlers kung saan ay sumasailalim sila sa isang buwan na training camp na ang layunin ay mapagtagumpayan ang pagsungkit ng maraming medalya sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Tatlong Canoe-Kayak athlete na binubuo nina Hermie Macaranas, Ojay Fuentes at Marvin Amposta ang maigting na nagsasanay ngayon sa Csebel, Hungary sa ilalim ng paggabay ni Olympic champion coach Robert Ludasi.
Target ni Ludasi na mas mapabilis pa ang oras ng Filipino paddlers na hindi lamang naghahanda para sa Singapore SEA Games kundi maging sa Olympic Qualifying ng Asian Championships at World Championship sa Agosto at Nobyembre.
Kabuuang 14 na lalaki at walong babaeng dragon boat paddlers, sa pangunguna nina world champion Alex Generalo, Danny Funelas at Ma. Escuella Manatad, ang nagsasanay naman sa Malawaan Park sa Subic, Olongapo sa ilalim ni national coach Len Escollante para sa isang buwan ding training camp upang magpokus sa pisikal at mental na paghahanda.
Sinabi ni Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) president Jonne Go na target nilang masungkit ang dalawang ginto sa anim na event sa Dragon Boat at medalya sa anim na event na paglalabanan sa Canoe-Kayak.
Hiniling ng PCKF na mas maaga silang magtungo sa Singapore sa May 31 dahil kailangan nilang humiram ng gagamitin nilang bangka mula sa mga Filipino club team sa Singapore at mas maagang makapagsanay bago pa ang pagsisimula ng kanilang kompetisyon sa Hunyo 6.
Kinukonsidera ng PCKF ang Indonesia, Myanmar, Thailand at host Singapore na kanilang mahigpit na makakalaban sa mga medalya. Ang Philippine team ay kabubuo pa lamang na sasabak sa una nilang SEA Games.

Source: Angie Oredo of Balita.net.ph